Search at rescue ops sa nawawalang mga residente sa flashflood sa Palawan, tuloy pa rin

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2021 11:00 AM | Updated as of Oct 12 2021 03:03 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) - Patuloy ang search and rescue operation ngayong Martes sa mga nawawala pang mga residente matapos ang nangyaring flashflood dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng habagat na hatak ng bagyong Maring sa Narra, Palawan.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, 4 na ang naitalang patay sa Barangay Princess Urduja at Barangay Batang-Batang, kabilang ang isang 5 anyos.

Apat na residente din ang hinahanap pa mula sa Barangay Batang-Batang, kabilang ang mga magulang ng batang nasawi.

Nasa 11 barangay ang apektado ng pagbaha kung saan ang pinaka sentro ng flashfood ay ang dalawang nabanggit na lugar.

Naganap ang flashflood pagitan ng alas-2 at alas-3 ng madaling araw ng Lunes. 

Nasa 60 na residente ang na-rescue naman ng awtoridad habang 292 pamilya ang nasa mga evacuation center at 7 pamilya ang kinupkop ng kanilang mga kamag-anak.

Sa bayan ng Brooke's Point, nagtulong-tulong ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at MDRRMO para ilikas ang mga residente ng isang sitio.

Sa padalang video ng PCG, makikita ang pagtawid ng mga apektadong residente mula sa rumaragasang tubig. Naglagay din ng lubid ang PCG para may mahawakan ang mga patawid sa baha.

Mabilis ang naging pagtaas ng tubig kaya kinailangang magpatupad ng paglilikas sa mga apektadong residente.

Dinala na sa mga evacuation center sa Brooke’s Point ang mga inilikas.

 

— May ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News