Biyahe ng MRT, 3 beses nagka-aberya

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 07:00 AM | Updated as of Oct 10 2017 03:48 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Tatlong beses nagka-aberya ang operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 Martes ng umaga. 

Alas-5:50 ng umaga itinigil ang biyahe ng MRT-3 mula North hanggang Shaw stations dahil sa problema sa riles, ayon sa website ng Department of Transportation. 

Nagpatupad ng provisional service mula Shaw hanggang Taft stations hanggang sa maibalik sa normal ang biyahe ng MRT dakong alas-6:30 ng umaga. 

Pero makalipas lamang ang 2 oras, pinababa naman ang mga pasahero ng MRT sa Cubao station southbound. 

Ayon sa DOTr website, "technical problem" ang sanhi ng insidente. Ikinuwento naman ng ilang pasahero na nagkaroon ng biglaang pagpreno ang isang bagon bago makarating sa Cubao. 

Dakong alas-9:30 ng umaga, nagbaba rin ng mga pasahero ang MRT sa Shaw station, dahil pa rin sa "technical problem," ayon sa service status report. Kasama sa mga nakasakay sa naturang tren si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon. 

Malaking abala ang mga naturang aberya, ayon sa ilang suki ng MRT na nakapanayam ng DZMM. Gayunman, pinipili pa rin anila na sumakay ng tren dahil ito ang pinaka-mabilis na mode of transportation, lalo na tuwing rush hour. 


 DZMM, 10 Oktubre 2017 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.