PatrolPH

Pagtutok ni Marcos sa kaso ng pagpatay kay Percy Lapid hinihimok

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2022 07:05 AM

Watch more on iWantTFC

Patuloy ang panawagan ng kapatid ni Percival Mabasa, o mas kilalang Percy Lapid, kay presidente Ferdinand Marcos Jr na tutukan ang kaso ng pagpatay sa beteranong brodkaster.

Nitong Miyerkoles ginanap ang President's Night na inorganisa ng Manila Overseas Press Club (MOPC).

Ayon kay Roy Mabasa, ang nakababatang kapatid, pinanood niya ang talumpati ng Pangulo. Nalungkot umano siya dahil hindi man lang nabanggit ng Pangulo ang kaso ng kanyang kapatid, na kilala din sa ngalang Percy Lapid.

Bukod dito, walang inilatag umano na polisiya ang Pangulo para masolusyunan ang kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag.

Si Lapid na ang ikalawang napaslang na journalist, ayon kay Mabasa sa termino ni Marcos Jr.

Malaking tulong para kay Mabasa kung inilatag na ng Pangulo ang plano para maproteksyunan ang mga journalist sa harap ng mga mamamahayag na dumalo sa President's Night.

Ayon kay Mabasa, ito na sana ang pagkakataon ng pangulo para ipakita ang mga plano sa proteksyon ng mga journalist lalo't nakatutok ngayon sa kaso ang international community.

Personal na bumisita naman sa burol si Executive Sec. Lucas Bersamin para ipinaabot ang mensahe ng Pangulo. Ayon kay Bersamin, nakikidalamhati sa naulilang pamilya ng mamamahayag ang Pangulo.

Nag-alok din ng seguridad sa pamilya umano ang Pangulo.

Mas maraming mga kamag-anak, taga-suporta at mga kaibigan ng pamilya ang nagbigay naman ng huling respeto sa namayapang mamahayag.

Isa sa mga ito si retired deputy ombudsman Justice Lot Gonzales na nagpahayag ng pagkabahala sa pamamaslang.

Siya umano ang nagpagkilala sa mga programa ni Lapid sa mga kaibigan niya sa America.

Kahit inanunsyo na ng pamilya na sa Linggo na ililibing si Lapid,
wala pa namang inilalabas na final schedule ang pamilya hinggil dito.—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.