PatrolPH

Halos P4 milyong halaga ng marijuana nasabat sa Fairview, QC

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2022 06:39 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Ilang beses na nagtangka ang pulisya na maaresto ang mag-live-in partner na tulak umano ng ilegal na droga sa Quezon City. 

At sa pangatlong pagkakataon Miyerkoles ng gabi ay natimbog na sila ng mga awtoridad.

Linggo nang simulan ng mga operatiba ang pakikipag-transaksyon sa mga suspek at nitong Lunes dapat maisasagawa na ang buy bust operation.

Ipina-reschedule ito nitong Martes pero hindi ulit natuloy dahil ayon umano sa mga suspek, may inaantay sila na delivery.

Naikasa muli ang buy-bust at dito na natiklo ang mag-live-in partner sa Brgy. Greater Fairview.

Sa imbestigasyon ng pulisya, kapag may transaksyon ang mga suspek itinatago ng mga ito ang ilegal na droga sa pakete ng tsokolate bago i-deliver, at kung minsan ipinadadaan din ang delivery sa mga delivery riding app.

Sa social media o text madalas ipinadaan umano ang kanilang transaksyon. Sa buong NCR umano ang lawak ng operation ng mga suspek.

Nasabat sa mga suspek ang higit kumulang 3 kilo ng high grade na marijuano o kush na nagkakahalaga ng nasa P3.9 milyon.

Natimbog din ang dalawang parokyano ng mga ito.

Itinanggi ng mga suspek ang pagkakasangkot sa bentahan ng ilegal na droga.

Ang isa naman sa nahuli sa operasyon, sinabing ilang beses na siyang nakakabili ng kush sa mga suspek.

Bukod sa droga narekober din ang sasakyang gamit ng mga suspek kung saan nakuha sa trunk ang mga marijuana.—Ulat ni Jeff Caparas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.