Ilang Pinoy, nagulat dahil di maka-Facebook, Instagram
Jekki Pascual, ABS-CBN News
Posted at Oct 05 2021 06:39 AM
Nagulantang ang maraming Pilipino bandang hatinggabi kanina dahil hindi na nila mabuksan ang Facebook, Instagram at WhatsApp. Lahat ng ito ay pagmamay-ari ng Facebook company.
'Blank screen' lang ang lumabas sa cellphone ng ilang users at 'loading' naman o matagal buksan ang app sa iba. Pero hindi lang pala sa Pilipinas ang outage na ito. Naging headlines na rin ang pagkawala ng Facebook sa maraming mga major news sites sa ibang bansa. At ayon sa ilang reports, milyon-milyon na ang apektadong mga users.
Sa pahayag sa Twitter, humingi ng paumanhin ang Facebook. Sabi nila, alam nila na may mga tao na may problema sa pag-access sa kanilang mga apps. Inaayos na aniya nila ang issue at umaasa na babalik ang lahat sa normal sa lalong madaling panahon.
Naging trending topics sa Twitter sa Pilipinas ang #facebookdown, #instagramdown, at maging ang pangalan ni Mark Zuckerberg na founder ng Facebook. Maraming Pilipino ang nagpahayag ng kanilang saloobin sa pagdown ng FB.
Ayon kay Twitter user @VonSquared, apektado siya dahil nagagamit niya ang FB at Messenger bilang lines of communication para sa educational at organizational purposes. Kung tumagal pa aniya ito, lalung maapektuhan ang mga estudyante.
Ayon naman kay user @VinEspinosa, isang malaking balakid sa komunikasyon ito. May mga taong dapat makausap, pero hindi magawa. Malaking problema ito ngayong karamihan ay umaasa sa Facebook at Messenger.
Ayon naman kay Christopher Tirambulo, apektado siya dahil hindi siya maka chat at hirap makapag-access sa news at information.
Ayon sa estudyanteng si Jedi Laudencia, nakaapekto sa komunikasyon sa mga classmate, dahil may group assignment dapat sila, pero napilitang maghanap muna ng ibang paraan para magusap.
Kung maraming nalungkot, may ilan rin na ayos lang daw sa kanila ang nangyari. Ayon kay user @RjayReyes16, hindi naman siya masyadong naapektuhan dahil may email naman at gabi pa naman. Nag YouTube at Tiktok na lang daw siya at Google Classroom para sa school work.
Ayon kay user @dianaraOhlala, it's better this way. No misinformation, no propaganda and fake news. I hope it stays this way until May 2022.
Sa ngayon, inaayos pa ng Facebook ang isyu na ito.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Facebook, Instagram, whatsapp, philippines,social media, tagalog news