PatrolPH

Holdaper na nang-trip umanong mangholdap tiklo sa QC, kasabwat nakatakas

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2022 08:20 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Isang nang-trip umanong mangholdap ang naaresto ng mga awtoridad matapos mambiktima nito ng isang delivery boy sa Quezon City.

Kwento ng 24 anyos na biktima, naglalakad siya sa madilim na bahagi ng Batino Street sa Brgy. Amihan nang makasalubong niya ang suspek kasama ang isang kasabwat.

Tinutukan umano siya ng patalim sa dibdib ng holdaper na si alyas Nognog at pilit na kinuha ang kaniyang cellphone mula sa kanyang bulsa.

Pero nang inalis na raw ng suspek ang patalim hinabol niya ito para makuha ang ninakaw ng gamit pero naipasa na pala ito sa kasabwat na si alyas Russel.

Agad siyang humingi ng tulong sa taumbayan na agad ding nakatawag ng pulis.

Pakiusap niya sa suspek at kasabwat ito, ibalik ang cellphone na aniya’y pinag-ipunan niya.

Labis naman ang pag-aalala ng ama ng biktima nang malaman ang sinapit ng anak, pero laking pasalamat niyang hindi napahamak ang pangalawa sa apat niyang anak

Ang nahuling suspek naman, matipid sa pahayag pero aminado sa krimen.

Pauwi na raw sila nang kasabwat niya nang mapag-tripan nilang mangholdap. Naudyukan lang umano siya ng kabarkada.

Ayon sa biktima, kung maibalik lang ang celphone niya, may pag-asang patawarin niya ang nahuling suspek.

Pero tila wala balak ituro ng nahuli ang kasama.

Patuloy naman ang follow-up operation ng pulisya para mahuli ang nakatakas na suspek.—Ulat ni Jeff Caparas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.