Dayuhan ninakawan ng $300 ng hostel staff sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2018 01:41 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nadiskubre ng pulisya ang umano'y modus sa isang hostel sa Palawan na bumibiktima sa mga bisita nito lalo na ng mga dayuhan.

Nalantad ito matapos magreklamo ang isang dayuhan noong Martes na nawala ang $300 sa kaniyang wallet na nakalagay sa locker ng isang hostel sa Puerto Princesa City, Palawan.

Pero hindi raw siya tinulungan ng mga taga-hostel at nagalit pa raw ang staff sa kaniya.

Flight na sana ng bisita pabalik ng Maynila pero hindi muna siya umalis sa isla para alamin ang nangyari.

Nagtungo ang biktima sa pulisya at sinamahan siya ng mga awtoridad pabalik ng hostel upang humingi ng kopya ng CCTV. 

Sa unang pagpunta ng mga pulis ay nakuha nila ang kopya ng CCTV pero hindi raw nakipagtulungan ang management at tumangging sumama sa tanggapan ng Philippine National Police (PNP).

Doon na natuklasan ng PNP na ang isang staff ang lumapit sa locker at nakitang kumuha ng pera sa wallet. 

Itinanggi pa raw ito ng suspek noong una.

"Iyung suspect na 'yun is pinipilosopo pa ang imbestigador natin. I myself pumunta na lang doon sa establishment and then showing them na may CCTV records [ng pagnanakaw]," ani Chief Inspector Mark Allen Palacio, commander ng Police Station 1.
 
Napag-alamang isang araw bago ang flight ng biktima ay tinanong ng staff ang oras ng biyahe nito.
 
Sa huli, inamin din ng staff sa sworn statement nito na kinuha niya ang $300 pero nangako itong ibabalik ang kinuhang pera at sasagutin ang one-way ticket ng complainant.
 
Hindi man makasuhan ang suspek, nais ng PNP na maging maingat ang mga bisita.

MODUS NG HOSTEL

Ayon sa pulisya, ang modus ay hihingin ang personal information ng bisita katulad ng flight.

Ilang oras bago ang flight ay saka kukunin ang pera para gipitin ang biktima sa oras para hindi makahabol ng reklamo laban sa kanila.

"Ikaw dapat na management ang tatawag sa police kasi sila 'yung locals dito eh, sila 'yung magsasabi na mayroong krimen sa area nila," ayon kay Palacio.
 
Ayon sa PNP, hindi naman lahat ng tuluyan sa lungsod ay may ganitong modus.

Magpapadala ang pulisya ng sulat sa City Council para bigyan ng babala ang mga establisimyento sa lungsod.
 
Pinuntahan ng ABS-CBN News ang hostel para kuhanan ng pahayag pero wala ang tao na puwede umanong makausap. 

—Ulat ni Lynette Dela Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.