TESDA, tutugon sa hiling ng OFW na mabigyan ng certificate para makapagtrabaho sa HK

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2020 12:01 PM | Updated as of Oct 02 2020 05:31 PM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Nabigyan ng pag-asa ang isang overseas Filipino worker na makaalis papuntang Hong Kong matapos na mangako ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na gawan ng paraan para agad na siyang makakuha ng certificate.

Ayon kay Joanne Embarque mula sa Tagum City, tinawagan na siya ng TESDA Regional Office II para sabihing magpa-schedule na siya para sa assessment para sa kaniyang training.

“May update na po, may good news na po. May chance na po na puwede na kaming makaalis po kasi 'yun na lang po talaga ang hinihintay namin,” pahayag ni Embarque.

Kuwento ni Embarque na halos nakumpleto na niya ang mga kinakailangan sa kaniyang pag-alis maliban na lamang sa TESDA certificate.

“May kontrata na po ako nung May or June tapos hindi po ako makaalis-alis dahil wala pa pong schedule ng assessment ng TESDA po,” sabi niya.

Nakipag-ugnayan na rin sa kaniya ang employer niya sa Hong Kong at sinabing dapat nandoon na siya hanggang katapusan ng buwan.

“Hanggang Oct. 30 kailangan nandoon na po ako kasi mahihirapan daw po siya, walang mag-aalaga sa magiging employer ko na matanda,” sabi niya.

Nagtanong na rin ang kaniyang employer kung pwedeng laktawan na lamang ang TESDA training para mapabilis ang kaniyang pag-alis.

“Hindi daw po pwede kasi isa naman po 'yun sa requirements. Sabi ko na lang po magaantay na lang po ako kung kelan magbubukas 'yung assessment ng TESDA,” sabi niya.

Saad ni Embarque na hindi lamang siya ang apektado sa di pa pagbubukas ng assessment sa TESDA dahil sa patuloy na pandemya.

“Hindi lang naman po ako, marami kami dito na stranded kasamahan ko sa agency marami pong naghihintay ng assessment sa NC II (National Certificate II)," sabi niya.

— TeleRadyo, 2 Oktubre 2020