Mga stranded na pasahero, agam-agam pa rin katiyakan sa pag-uwi sa probinsiya
ABS-CBN News
Posted at Oct 01 2020 02:30 PM | Updated as of Oct 01 2020 02:31 PM
MAYNILA - Nananatili pa rin ang ilang mga stranded na pasaherong nais makauwi ng kanilang mga probinsiya sa Manila North Harbor.
Karamihan sa kanila may ticket na at may mga requirements na rin pero naghihintay pa rin ng schedule na makabiyahe ang barko.
Nakasilong sila sa tent pero problema nila ay nababasa ang kanilang mga bagahe tuwing umuulan.
Umaasa rin sila sa mga taong nagpapaabot ng pagkain lalo na’t paubos na ang kanilang baon na pera.
Kabilang sa stranded na mga pasahero ay mag-asawa na pauwi sana sa Bukidnon.
Ayon kay Jovelyn Tenoy, kapwa sila nawalan ng trabaho ng asawa bilang factory worker dahil sa lockdown.
Tanging P100 na lamang ang natitira nilang panggastos para sa mga susunod na araw.
Simula Setyembre 20 pa sila naghihintay ng biyahe at kapwa rin nanakawan ng cellphone habang naghihintay sa pantalan.
“Wala kaming pambili ng pagkain, wala kaming makontak doon kung paano kami makahingi ng tulong,” sabi ni Tenoy.
Dahil dito, hindi tuloy sila makahingi ng tulong sa kanilang mga kaanak at may 10 araw na ring walang balita tungkol sa kanilang anak na sanggol pa rin.
“Di pa namin sure kung makabiyahe kami sa Bukidnon kasi lockdown sa Bukidnon,” dagdag niya.
Samantala, umaasa ang stranded passenger na si Madeline Pal na makabibiyahe na sa Dumaguete City sa Biyernes matapos matulungang makapag-swab test ng mismong lokal na pamahalaan na pupuntahan.
“Sana po matuloy na ang uwi ko,” sabi ni Pal na naging negatibo naman ang resulta ng swab test.
Laking pasalamat ni Pal sa ABS-CBN sa pagiging tulay para makontak ang alkalde ng Dumaguete CIty na siyang tumulong para siya ay makapag-swab test.
- TeleRadyo 1 Oktubre 2020
stranded passengers, transportation, Manila North Harbor, LSI, Teleradyo