Active cases ng African swine fever, nakita sa 31 lugar
ABS-CBN News
Posted at Sep 30 2021 12:47 PM
MAYNILA— Umabot na sa 31 mga lugar sa 13 probinsiya ang naitalang kaso ng African swine fever, ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI) nitong Huwebes.
“Nasa 31 cities, municipalities na ang may active cases, 'yung hindi pa fully resolved, hindi pa natatapos doon sa surveillance, we are considering na may mga kaso pa, may mga disease present pa sa mga baboy,” pahayag ni BAI Director Reildren Morales sa TeleRadyo.
Dumarami ang mga lugar na nagkakaroon ng ASF dahil napaka-resilient umano ng virus, aniya.
“Kahit matagal nang walang outbreak doon sa isang lugar posible pong nasa environment pa rin 'yung virus,” sabi ni Morales.
Kasama sa 31 na mga lugar na may kaso ng ASF ay ang Ilocos Sur at Norte, ayon kay Morales.
Kasalukuyang nagsasagawa ng surveillance ang BAI kahit sa mga lugar na walang kaso ng ASF.
“Sa kabuuan, mahigit 400 na po na city/municipality 'yung walang reported cases. Itong walang reported cases na ito bina-validate natin, nagko-conduct tayo ng surveillance, nagkukuha tayo ng samples sa loob ng farm na walang lamang baboy,” sabi ni Morales sa panayam sa TeleRadyo.
Meron pa rin aniyang mga insidente na may nade-detect silang presensiya ng virus sa mga farm na wala nang baboy sa loob ng anim na buwan kaya mahalaga ang early reporting at detection laban sa pagkalat nito.
Malaking hamon rin sa paggampan nila ng kanilang surveillance ay ang umiiral na pandemyang dulot ng COVID-19.
“'Yan ang isang challenge natin that we have to face dito sa ASF. Sa Region 2 halimbawa, nagpadala tayo ng isang team para sagarin natin 'yung surveillance doon dahil maraming gustong mag-alaga ulit. 'Yung team natin doon na-expose sa COVID so ganun ang challenge na hinaharap natin,” sabi niya.
Nai-isolate at naka-quarantine na umano ang nasabing team. Limang team naman na ipinadala sa Ilocos ay kinailangan din i-withdraw nitong nakaraang linggo matapos may magpositibo sa COVID sa isang grupo na galing Region 1.
“Eight teams all in all 'yung tumutulong sa LGU ay na-stop for this week at 'yung LGU din mismo ang nag-advise sa atin na kailangang ihinto 'yung operation kasi meron po silang quarantine protocols in place due to COVID. Ito po ang isang napakalaking challenge sa atin. May mga nakakalusot na mga baboy, medyo hirap din kami, we have to admit malaking challenge 'yung COVID,” saad niya.
Nakiusap naman si Morales sa mga hog raiser na paigtingin ang kanilang biosecurity.
“Sa mga backyard po, sana 'wag kayong magpakain ng swill at kung galing sa labas 'wag kayong diderecho sa kulungan ng baboy,” sabi niya.
- TeleRadyo 30 Setyembre 2021
Bureau of Animal Industry, African Swine Fever, hog disease, hog raisers, Reildren Morales, ASF hit areas