Nakainom na driver, inararo ang 5 concrete barrier sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2020 07:32 AM | Updated as of Sep 30 2020 07:09 PM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Wasak na wasak ang harapang bahagi ng isang kotse matapos nitong araruhin ang 5 concrete barrier ng busway sa EDSA-Ortigas flyover sa Pasig nitong Martes.

Kwento ng driver na ayaw mapangalanan, galing siya ng Bulacan at bumiyahe papuntang Pasig.

Pagsapit niya sa flyover, nabulaga umano siya sa mga concrete barrier. Hindi na niya nagawang iwasan kaya't sunod-sunod niyang nabangga ang mga concrete barrier.

Sa lakas ng impact, natanggal ang bumper at nayupi ang hood ng kotse habang nagkabasag-basag naman ang mga concrete barrier.

Hindi naman nasaktan ang driver ng naaksidenteng kotse.

Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority, lumabas na nakainom ang driver. Mataas ang alcohol content nang isailalim siya sa breath analyzer.

Posibleng makasuhan ng reckless imprudence resulting in damage of public property ang driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.