Essential workers na sasakay ng provincial buses, 'di na kailangan ng travel pass: PNP
ABS-CBN News
Posted at Sep 30 2020 10:41 AM
MAYNILA - Pinaalalahanan ng Philippine National Police ang mga pasaherong sasakay ng provincial buses papuntang Metro Manila na kailangan pa rin ng travel pass kung sila ay hindi essential workers.
Ayon kay Lt. Gen. Guillermo Eleazar ng Joint Task Force COVID Shield na kakailanganin ito kung ang kanilang biyahe ay hindi naman konektado sa kanilang trabaho.
“Designed po itong provincial commuter bus routes na ito para doon sa ating mga workers na sa labas ng Metro Manila pero araw-araw nagbibiyahe pa Metro Manila,” pahayag ni Eleazar.
Sa panayam sa TeleRadyo Miyerkoles ng umaga, sinabi ni Eleazar ang mga pasahero na hindi essential worker ay kailangang kumuha ng medical certificate at dapat na may koordinasyon din sa lugar na pupuntahan.
“Ang magpo-process po nito ay 'yung police station kung saan sila galing,” sabi niya.
Pero ipinaliwanag din niya na ang mga worker mula sa permitted industries 'di na kailangan ng travel authority at kailangan lang magpakita ng kanilang ID at certificate of employment bilang dokumento.
“This is designed for workers of permitted industries operating in Metro Manila who are residing, itong mga commuters na ito, sa labas ng Metro Manila. Hindi na nila kailangan ang travel authority, ipakita lang nila ang ID at certificate of employment at sila po ay papayagan na,” dagdag niya.
Simula na ngayong Miyerkoles ang unang biyahe ng mga provincial buses papasok ng Metro Manila.
Pero ang trip ticket ay dapat din naibook in advance dahil 'di papayagan ang mga walk-in na pasahero tulad nang dati.
“‘Di pwedeng on the day o walk-in kailangang nai-book mo na 2 days prior to that. Cashless na, kagaya ng gagawin dito sa mga buses sa Metro Maila na dumadaan sa EDSA effective tomorrow,” sabi niya.
Samantala, sa pagmomonitor ng PNP, sinabi ni Eleazar na nagpa-deploy na sila ng personnel at marshal sa mga bus stations para sa unang araw ng biyahe ng mga provincial buses.
“It so happens sa monitoring sa first day, una, ang Araneta Bus Center sarado pa rin po, so hindi pa tuloy yung galing dito sa Pampanga at yung mangagaling sa Batangas, Lagna and Cavite open naman ang ating PITX pero bihira ang nagbibiyahe kasi nga prebooked dapat ito at kailangang merong ka nang naka-secure na trip tickets mo,” sabi niya.
Guillermo Eleazar, essential workers, provincial bus routes, Philippines transportation new normal, TeleRadyo