Ilang residente ng San Juan City, na-trap sa bahay dahil sa baha
ABS-CBN News
Posted at Sep 29 2023 12:09 PM
Pitong residente ang na-trap sa dalawang bahay sa Brgy. Little Baguio, San Juan City at kinailangan i-rescue ng Bureau of Fire Protection dahil sa baha na dulot ng malakas ng ulan nitong Huwebes ng hapon.
Nagsimula ang malakas na ulan alas-2:40 ng hapon. Makalipas ang 2 oras, nakatanggap ang BFP ng tawag tungkol sa baha sa Ermitaño Creek, ayon kay SF03 Alvin Velasco, Greenhills Fire Sub-Station Commander.
Pagdating ng BFP, abot dibdib na aniya ang taas ng tubig at may 7 tao na na-trap sa lugar.
Isa sa dalawang bahay ang nasira.
“Inanod na ng rumaragasang tubig [yung bahay]. Noong nakuha po namin yung pito [na residente]...dalawa po ang senior citizen," ani Velasco.
Ayon sa may-ari ng nasirang bahay na si Jenny Obafial, hindi alam ng kanyang mag-anak kung ano ang gagawin sa bahay na nasira.
"Hindi namin alam kung aayusin namin kasi maraming gagawin... Naputol yung tubig namin, kuntador namin, naputol lahat. Ang iniisip nga namin san naman po kami lilipat, wala naman kaming mapupuntahan," sabi niya.
Ayon naman isa sa mga residenteng ni-rescue na si Jose Espino, ito ang unang beses na kinailangan nilang lumikas dahil sa baha.
Pansamantalang nanunulyan ang mga inilikas na mga pamilya sa evacuation center sa San Juan gym.
Bukod sa ilang residente, na-trap din ang ilang construction workers na nagtatrabaho para sa flood control project sa nasabing creek.
Nakatira sila sa barracks sa tabi ng creek. Para mailikas ang mga construction worker, dumaan pa sila sa isang subdivision.
“Nakiusap po kami sa namumuno doon sa subdivision, so gumawa po kami ng access medyo mataas po yung bakod, tapos may barbed wire pa yung ibabaw, mga 3 meters po yung taas. Naglagay po kami ng hagdan magkabila para may madaanan po yung mga tao,” dagdag ni SF03 Velasco.
flood, Baha, sapa, creek, San Juan, evacuate, weather