PatrolPH

Trailer truck sumabit sa mga kable sa Katipunan Ave.

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2022 07:26 AM

Watch more on iWantTFC

Masikip na daloy ng trapiko ang sumalubong sa ilang mga motorista sa C.P. Garcia kanto ng Katipunan Ave. sa Quezon City Huwebes
dahil sa mga nakalaylay na communication at internet cable sa kalsada.

Ayon kay Richard Franca, traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority, bandang alas-2:30 madaling araw nang sumabit ang isang truck kaya nahatak ang mga kable.

Ang iba, naputol pa kaya lumaylay ito sa kalsada. At dahil mababa ang mga kable, ilang beses rin ito nahatak ng iba pang mga naglalakihang truck, tanker at trailer na dumadaan kaya lalong dumami ang mga naputol na mga kable.

Hindi naman naabutan ng traffic enforcers ang driver na unang nakahila sa mga kable. Pero hinala nila, may bitbit itong oversized o heavy equipment na mas mataas kaysa sa mga nakasabit na mga wire, kaya nahatak ang mga ito.

Walang naaksidente o nasugatan sa insidente.

Naglagay ng plastic barrier malapit sa mga nakalaylay na kable habang inaantabayanan ang magsasaayos nito.

Isang lane lang ang madaraanan ng mga light vehicles na mula sa Katipunan Avenue southbound pakanan sa C.P. Garcia Avenue.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.