PatrolPH

Suspek sa pamamaril sa Forbes Park, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2022 06:46 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Nakakulong na ang isang lalaki na suspek sa pamamaril at pagpatay umano sa dalawang household bodyguards sa South Forbes Park Village, Makati City nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay Police Col. Edward Cutiyog, hepe ng Makati PNP, ang sinasabing ugat ng pamamaril ay dahil sa ulam.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, at base na rin sa salaysay ng mga witness, napikon ang suspek matapos kaunti lang ang ihinain na ulam sa kanya ng dalawang biktima matapos silang mag-inuman.

Nagtalo sila hanggang sa nauwi umano sa pamamaril.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang isang biktima habang sa baywang naman tinamaan ang isa.

Agad na tumakas matapos ang pamamaril ang suspek, pero nadakip din siya ng mga pulis matapos magtago sa isang bahay sa parehong subdibisyon kung saan naganap ang krimen.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang suspek.

Mahigit isang taon na umano na magkakasama ang suspek at bitkima at wala naman silang naging mabigat na alitan, ayon sa PNP.

Ngayong Miyerkoles nakatakdang isampa ang kasong double murder sa suspek.

Pag-aaralan kung may dagdag na theft o robbery sa isasampang kaso lalo't may nawawala umano sa gamit ng mga biktima.—May ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.