Voting by mail para sa seniors, itinutulak sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2020 11:01 AM | Updated as of Sep 25 2020 11:02 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Ipinapanukala ngayon ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ang pagkakaroon ng voting by mail para sa seniors sa darating na Presidential elections sa 2022.

Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Quimbo na isa sa pinaka-vulnerable sa panahon ngayon ng pandemya ay ang seniors.

“Alam naman natin na ang mga seniors natin hindi magpapapigil po 'yan sa pagboto. So isang paraan para maprotektahan ang ating mga seniors ay payagan na bumoto sila by mail, 'yun ang aking panukalang batas po,” sabi niya.

Ayon kay Quimbo ang mail voting ay ginawa na rin para sa overseas Filipino workers. Pero sakaling makalusot, ito ang magiging kauna-unahang mangyayari sa regular voting.

“Hindi rin siya first time na nangyari sa buong mundo kasi last April po nagkaroon ng voting by mail ang South Korea at naging successful naman po. In fact, highest voter turnout sila doon. Kaya pwede nating kopyahin magagandang practices ng tulad ng South Korea,” sabi ng mambabatas.

Nakasaad sa House Bill 7572 ni Quimbo na pwedeng gamitin ang mga private courier services para sa mail voting.

“S'yempre tatanugnin natin ang ating Philippine Postal System kung kaya ba nila at kung ‘di nila kaya, kasi meron tayong 9 million na seniors na boboto, ay pwede natin dapat payagan ang private courier services din,” saad niya.

Maganda rin naman aniya ang naging reaksiyon ng kaniyang mga kasamahan sa Kamara sa kaniyang ipinapanukalang batas.

“In fact 'yung minority—kasi ako po ay member ng minority bloc—nung narinig nila 'yan sinabi nila gawin natin minority bill po ‘yan. Immediate po halos ang suporta kapag naririnig nilang may ganyang panukala,” sabi niya.

-- TeleRadyo, Setyembre 2020