Taniman ng marijuana nadiskubre sa Candelaria

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2019 11:46 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nadiskubre ng pulisya ang isang taniman ng marijuana sa Candelaria, Quezon ngayong Martes ng umaga.

Noong Hulyo pa nakatanggap ng ulat ang mga awtoridad na may naturang taniman sa probinsya, pero nitong Lunes lamang nila nalaman ang eksaktong lokasyon nito sa Barangay Malanbanan Norte sa tulong ng isang informant, ani Quezon police chief Col. Audie Madrideo.

Nabunot sa lugar ang nasa 68 na tanim na marijuana na nakakubli kasama ng iba pang halaman. Nasamsam din doon ang ilang pinatuyong dahon ng ipinagbabawal na halaman.

Tanging mag-inang katiwala ang inabutan ng mga awtoridad.

Hindi umano nila alam na marijuana ang itinanim doon ng kapatid ng may-ari ng farm. Regular umanong niluluto ang marijuana upang makuha ang langis nito na ginagamit umano bilang panggamot, dagdag ng mag-ina.

Hindi pa alam ng pulisya kung saan dinadala ang naturang cannabis oil, sabi ni Madrideo.

Nagkasa na aniya ng follow-up operation para maaresto ang may-ari ng farm. Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
 
DZMM, Setyembre 24, 2019

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.