Pagsara ng Estrella-Pantaleon bridge, nagdulot ng matinding trapiko

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2018 11:21 PM | Updated as of Sep 25 2018 12:06 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nagdulot ng matinding traffic ang pagsasara simula Linggo ng gabi ng Estrella-Pantaleon bridge sa Makati dahil sinimulan na ang paggiba at tuluyang pagpalit ng nasabing tulay. 

Nasa 100,000 na sasakyan araw-araw ang bumabaybay sa Estrella-Pantaleon bridge. Pero ngayong sarado na ito, pinapayuhan ang mga motorista na maghanap o dumaan sa mga alternatibong ruta. 

“We've warned everybody before that this was coming. We've also advised everybody to take alternate routes, rehearse it and time it para makapag-adjust sila,” ani MMDA Task Force Special Operations commander Bong Nebrija. 

Pinayuhan ng mga awtoridad na dumaan muna sa EDSA Guadalupe o Makati-Mandaluyong bridge ang mga apektadong motorista. 
 
Kung pa-Mandaluyong, maaaring kumaliwa sa intersection ng JP Rizal, at kung patawid naman ng Makati, maaaring dumaan sa Makati-Mandaluyong bridge, bumaba ng JP Rizal, at lumabas ng Makati Avenue. 

Pero maging sa alternate routes ay nararamdaman ang mabigat na traffic sa lugar. 

Ayon kay Nebrija, high volume road, o marami na ring dumadaloy na kotse sa nasabing lugar, lalo sa JP Rizal. 

Pinayuhan din na puwedeng dumayo sa Edsa Guadalupe, o kaya sa C5, pero kasabay din ito ng mahigit 100,000 mga sasakyan na dumadaan tuwing rush hour. 

Dalawang taon ang itatagal ng pagkukumpuni ng Estrella-Pantaleon bridge. At kasabay pa nito ang pagkukumpuni ng Otis, Sevilla, Concordia, at Old Sta Mesa bridge. 

Plano ring ayusin ang mga sumusunod na interchange at flyover sa EDSA nitong 2018 at 2019: 

•    EDSA Ortigas interchange
•    EDSA Magallanes interchange
•    EDSA Kamias flyover
•    EDSA Santolan flyover
•    Guadalupe Bridge

Kaya, sabi ni Nebrija, mas mainam nang mag-commute at makipag-carpooling sa halip na sumakay ng sariling kotse bilang alternatibo sa matinding trapiko. 

“Pwede tayong mag-commute. Subukan natin ang MRT or mag-carpooling talaga,” aniya. 

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.