Bentahan ng face shields sa Divisoria, bagsak presyo

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2021 11:46 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA— Ibinebenta na ng mas mura ngayon ang face shields sa Divisoria sa Maynila, matapos na ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte Miyerkoles ng gabi na hindi na ito kailangan sa mga open area.

Ang mga mamimili at nagtitinda sa Divisoria ay maagang sumunod sa bagong panuntunan ng pangulo dahil marami sa kanila ay wala nang suot na face shield Huwebes ng umaga.

Wala rin mga barangay na naninita kaya pati physical distancing minsan ay nakakalimutan nang sundin. 

Sinabi kagabi ni Duterte na sa mga closed, crowded at close contact areas na lang kailagang magsuot ng face shield tulad ng sa mga ospital.

Wala ring rekomendasyon ang World Health Organization sa paggamit nito maliban sa health care workers na parte ang face shield sa kanilang personal protective equipment o PPE. 

Proteksiyon ang face shield laban sa pagtalsik ng biological fluid na maaaring maging paraan ng pagkahawa sa sakit. Pero sinabi ng WHO na pwedeng gamitin ang face shield bilang proteksiyon sa mata.

Maraming mga Pilipino ang hindi komportable sa pagsusuot ng face shield kaya pabor ang mga namimili at nagtitinda sa Divisoria na tanggalin na ito sa open area.

Nangangamba naman ang ilang nagtitinda ng face shield na masasayang lang ang ilang mga stocks nila kaya ngayon pa lang ay bagsak presyo na sa P6 kada piraso ang benta nila.

Sa kabila nito, umaasa pa rin sila na meron pa rin maibebenta kahit papaano, hindi nga lang tulad ng dati.

- TeleRadyo 23 Setyembre 2021