PatrolPH

UV Express drivers, iginiit na rasonable ang dagdag-pasahe

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2022 09:24 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Nanindigan ang isang grupo ng mga UV Express drivers nitong Huwebes na rasonable ang hinihingi nilang P1 dagdag pasahe para sa kanilang mga sasakyan.

Kasunod ito ng pag-apruba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagtaas ng pamasahe sa mga jeep, taxi, at transport network vehicle service—pero hindi sa mga UV Express.

Una nang sinabi ng LTFRB chairperson Cheloy Garafil na dinidinig pa nila ang petisyon ng mga drayber ng UV Express.

“Yung krudo po kasi natin talagang hindi na po makaya nung ating mga operators, drivers so we decided na at least humingi ng rasonable na increase po,” ani Alliance of UV Express Association of the Philippines secretary-general George Jalandoni. 

“Kasi nakikita namin sa study na it will (be) enough. Kasi medyo sensitive rin kasi tayo with the pasahero natin so, yun ayaw naman natin na masyadong mataas yung kanilang pamasahe,” dagdag pa niya.

Ayon kay Jalandoni, naibalik na ang halos lahat ng kanilang mga pre-pandemic na ruta.

Pero kuwento niya, hindi pa bumabalik ang dating dami ng mga pasahero.

“Mga medyo may limitations pa rin po doon, hindi pa rin po nakakabalik sa pre-pandemic level yung ating dami ng mananakay.”

Nanawagan si Jalandoni sa kanilang mga pasahero na unawain ang kanilang hiling na dagdag-pasahe.

“Sa ating mga mananakay, alam kong pare-parehas naman natin na nararanasan ngayon tong mga pandemya na nangyayari, increase ng mga expenditures natin.”

“Talagang kung papansinin niyo po, yung aming request ay reasonable, makakaasa naman po kayo ng kaayusan, specially those on the UV sector na sumasakay, makakaasa rin po kayo ng magandang serbisyo at tutumbasan ang ating mga increase na hinihingi, sana’y maintindihan niyo rin po kami dahil ito naman po eh naibabalik sa inyo sa pamamagitan ng pagseserbisyo,” aniya.

--TeleRadyo, 22 Setyembre 2022

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.