PatrolPH

3 carnapper na nambibiktima umano ng app drivers, timbog sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2022 07:10 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Arestado ng Taguig City Police ang tatlong miyembro umano ng kilalang carnapping group sa lungsod.

Ayon sa mga awtoridad, walang naipakita ang mga suspek na papeles ng kanilang motorsiklo na dala matapos sila maharang sa checkpoint.

Doon natimbrehan ng mga pulis na na-carnap pala ang motor na gamit ng mga suspek mula noong isang gabi.

Ang modus umano ng mga suspek, magbu-book gamit ang isang motorcycle hailing app at pagdating sa kanila ay doon na sapilitang kukunin ang motorsiklo gamit ang isang baril.

Sinalaysay ng biktima noong isang gabi kung paano naman siya inispatan ng grupo at nakuha ang kaniyang motorsiklo.

Huminto lamang daw siya para umihi, at bigla na siyang tinutukan ng baril ng mga suspek. Sa takot ay bigla na lang siya tumakbo papalayo.

Nagbigay naman ng pahayag ang nanay ng isa sa menor de edad na suspek sa carnapping. Hindi aniya alam ang krimen na kinasasangkutan ng anak at nadamay lamang ito dahil nobyo ng anak niya ay kasama sa grupo.

Bukod sa carnapping ay nahaharap din ng ang mga nahuli sa mga kasong illegal possession of firearms, at paglabag sa pinagbabawal na gamot dahil nahulihan din sila umano ng nasa 5 gramo ng hinihinalang shabu.—Ulat ni Nico Bagsic, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.