PatrolPH

Sunog sumiklab sa Barangay Holy Spirit, QC; suspek hinahanap

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2021 07:12 AM

Watch more on iWantTFC

Hinahanap ng mga awtoridad ang isang lalaki na may kaugnayan umano sa isang sunog sa Barangay Holy Spirit, Quezon City Miyerkoles ng umaga.

Maagang nabulabog ang mga residente ng Barangay Holy Spirit matapos masunog ang hilera ng mga bahay sa Area 6B, mag-a-alas kwatro kaninang madaling araw.

Ayon sa paunang impormasyon mula kay SFO1 Leo Tumbaga ng Bureau of Fire Protection-Quezon City, nag-umpisa ang sunog sa bahay ng Pamilya Allid. 

Umabot ng unang alarma ang sunog matapos kumalat ang apoy sa 8 bahay. Pawang gawa sa mga light materials ang mga ito. 

Tinatayang nasa 16 na pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog. 

Kwento ni Angela Allid, bago masunog ang kanilang bahay ay ilang beses na rin siyang nakatanggap ng mga pagbabanta mula sa kaniyang dating kinakasama. 

Sa tuwing sinusubukan aniyang makipaghiwalay ay sinusubukang sunugin ng lalaki ang kaniyang bahay, pero naaapula nila agad ito.

Ito na ang ikatlong beses na ginawa ng lalaki ang pagsunog, ayon sa mga taga-barangay.

Ayon sa iba pang nakatira sa bahay, pinaalis muna sila ng lalaki sa bahay bago gawin ang panununog.

Iimbestigahan naman ito ng BFP at kasalukuyan na ring hinahanap ang naturang lalaki na tumakas umano sa kasagsagan ng sunog.

ABS-CBN TeleRadyo, Sept. 22, 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.