Pork barrel buhay pa rin, nag-iba lang ng anyo: Tinio

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2018 05:54 PM | Updated as of Jan 09 2020 03:58 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Dapat umanong ilaan sa ibang proyekto na nagbibigay ng pangunahing serbisyo sa publiko ang isiniksik na P55-bilyong 'pork' barrel o discretionary funds sa proposed 2019 national budget, ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio.

"Sana, kung seryoso talaga ang House [of Representatives] absolutely na tatanggalin itong pork, dapat nilagyan ng mas malaking pondo pa mula doon sa P55-bilyon ang mga nabanggit na programang 'yun," pahayag ni Tinio sa panayam sa DZMM, Biyernes ng umaga.

Nag-realign ang mga mambabatas ng P51.7 bilyon pondo para sa disaster risk reduction, programa ng Department of Health, at iba't-ibang road at infrastructure projects sa mga rehiyon kamakailan.

"Ang punto natin, masyadong maliit ang inilagay doon at 'yung bulto nasa DPWH [Department of Public Works and Highways] pa rin para sa usual mga kalsada. 'Yun yung mga classic na pork barrel budget," paliwanag niya.

Nabusisi umano ang pagsiksik ng "pork" sa 2019 budget matapos na magkaroon ng pagbabago sa liderato sa Kamara.
 
Malaki ang paniniwala ni Tinio na hindi na-abolish ang pork barrel system kahit pa nawala na ang Priority Development Assistance Fund o PDAF. 

Matatandaang binuwag ang sistema ng PDAF noong 2013 matapos mabuking ang paglilipat nito sa mga pekeng non-government organization ng negosyanteng si Janet Lim Napoles. 

Ilang dating mambabatas ang nililitis dahil sa kaugnayan umano sa krimen. 

"Nag-iba lang lang ng anyo. Nawala 'yung dating PDAF, naging iba 'yung porma ng pag-access dito. Nananatili ang pork barrel system dahil may sabwatan sa pagitan ng Kongreso at Malacañang. Pinapayagan ng Malacañang 'yung pork barrel system," sabi ni Tinio. - DZMM, 21 September 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.