PatrolPH

1 patay, 2 sugatan sa hiwalay na aksidente sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2021 09:34 AM

Watch more on iWantTFC

Isa ang patay habang dalawang rider ang sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Pasay City, Sabado ng madaling araw.

Natagpuang nakahandusay sa EDSA Southbound malapit sa Cabrera Street ang bangkay ng isang lalaki matapos mabangga ng motorsiklo ng isang delivery rider. Agad nagtungo sa lugar ang anak na babae ng biktima pero hindi na siya pinayagang makalapit pa sa bangkay ng ama.

Ayon kay Ambrosio Payumo Jr., nightshift supervisor ng Pasay Traffic, tumawid sa kalsada ang biktima at hindi napansin ng delivery rider. 

Nabangga siya ng rider at sa lakas ng impact, tumilapon rin sa kalsada ang rider na nahirapan din makatayo. Dinala ang rider sa ospital.

Sa isa pang insidente, isang sundalo naman na nagmamaneho ng motorsiklo ang tumama sa likuran ng isang truck sa may West Service Road.

Nakaparada ang truck na nakabukas ang warning lights pero sumalpok pa rin ang motor rito.

May ID ng Philippine Army ang rider at ayon sa inisyal na imbestigasyon, tila nakainom umano ito.

Dinala rin siya agad sa ospital.

- TeleRadyo 18 Setyembre 2021
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.