'Depressed na lahat kami': 11 stranded Pinoy sa China, umapela ng tulong makauwi sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2020 09:06 AM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Muling umapela ang 11 Filipino seafarers na matulungan silang makauwi sa Pilipinas matapos ma-stranded sa China ng mahigit isang taon.

“Sana po matulungan kaming makauwi, depressed na lahat kami dito,” pahayag ni Anthony Medina.

Isa si Medina sa 11 Pinoy crew ng Ocean Star 86 na nakadaong sa Dogshan, Zhanghou City sa Fujian Province.

“Halos 1 year and 9 months na kami rito. Tapos na po contract namin na 1 year 2019 hanggang ngayon po nandito pa rin kami,” sabi ni Medina sa panayam sa TeleRadyo.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), tumatanggi umano ang Chinese government na dumaong ang barko dahil sa pandemya kaya nahihirapan silang mai-repatriate ang Pinoy crew.

“Sa tagal na naming humihinigi ng tulong, March kami dumating sa China. Humingi kami ng panawagan sa media nung April. Hanggang ngayon wala pa ring nagagawang aksyon,” giit ni Medina.

Nauna nang napauwi ng DFA ang higit sa 100 Filipino seafarers na stranded din sa China.

Bagama’t may pagkain naman umano, hindi ito sapat para sa kanila.

“Nakakapagpadala 'yung owner ng barko kaso pagdating dito ng pagkain sa barko 'yung mga opisyal dito tinitipid kami sa pagkain. Talagang ‘di kami pinapayang magluto rito. 'Yung ibinibigay ng Philippine Consulate na konting relief, sa heater ng tubig namin iniluluto para may makain kami kasi bawal kami magbawal sa kusina,” sabi niya.

Maging tubig pang-inom ay pinoproblema rin nila. Kuwento ni Medina, galing sa dagat ang kanilang tubig na kanila lamang sinasala ng mabuti.

“Pinakukuluan namin at sinasala namin sa damit para malinis. Medyo may lasang kalawang,” sabi niya.

Sa kabila ng kanilang kalbaryo at pananabik na muling makapiling ang mga pamilya sa Pilipinas, ipinagpapasalamat naman nila na wala sa kanila ang nagkakasakit ng matindi.

“Sa awa ng Diyos, wala naman po (nagkakasakit). Pero ako medyo may nararamdaman na rin ako sa aking tagiliran at nahihirapan na rin pong umihi pero kaya pa naman po,” saad niya.