Southern Tagalog Reg'l Hospital puno na; ilang health workers nagkakasakit na

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2021 12:56 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Mahigit nang isang buwang puno ang Southern Tagalog Regional Hospital na nasa Bacoor, Cavite dahil sa dami ng mga pasyenteng may COVID-19.

“Tina-try ng aming ospital na sa aming maliit na kaparaanan ay matugunan na po kung ano man po ang kanilang dinaranas sa ngayon. Tulad ng sa mga ospital sa NCR at karatig-bayan ng Calabarzon, tayo po ay dumaranas ng mahigit isang buwan nang punuan po,” sabi ni Dr. Ruby Ephraim Rubiano, ang medical center chief ng ospital.



Sa panayam sa TeleRadyo Huwebes ng umaga, sinabi ni Rubiano na hindi lamang taga-Cavite ang pasyente ng kanilang ospital. Maging ang taga-ibang lugar ay nagpupunta na rin sa kanilang pagamutan.

“Wala namang boundary sa pagbibigay ng serbisyong medical sa mamamayang Pilipino,” sabi niya.

Dahil dito, hindi umano maiwasan na may magkasakit at mahawa sa hanay ng kanilang health workers.

“Ang atin pong mga kasamahan na health worker ay nagkakasakit din po. At minsan, sila rin po ay nahahawa. Kaya po kami po ay humihingi ng paumanhin sa ating mga kababayan kung kami po ay nakapag-declare na rin po ng full capacity sa kadahilanang ayaw din po naming isakripisyo ang kanilang sakit at sa kadahilanang wala rin kaming maibigay na kalidad na serbisyo para sa kanila,” sabi niya.

Sa ngayon aniya ay mahigit 10 health workers nila ang may sakit. 

“Subalit, nagkataon din po na may ilang health workers din tayo sa ibang pasilidad na siyang gumaganap sa kanilang pagliban. Sila ang tumatakip sa kanilang absensiya,” sabi ni Rubiano.


Mayroon ding mga isolation facility na nagpapahiram muna ng kanilang health workers kapag kinukulang ang ospital.

Dahil sa full capacity, kaakibat din aniya nito ang pangangailangan ng mga oxygen tanks, high flow units at mga gamot para sa mga pasyenteng may COVID-19.

- TeleRadyo 16 Setyembre 2021