Isa pang kumbento sa QC ni-lockdown dahil sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2021 11:44 AM | Updated as of Sep 17 2021 12:16 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE)—Inilagay sa special concern lockdown ang isa pang kumbento sa Quezon City dahil sa hawaan ng COVID-19.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, 22 sa 90 na naninirahan sa Convent of the Holy Spirit ang nagpositibo sa sakit.

"Ongoing po 'yung investigation dito. Tinitignan namin kung merong epidemiologic link 'yung 2 kumbento," ani Dr. Rolly Cruz, head ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit.

Nitong Miyerkoles, sinabi ng Quezon City LGU na 114 ang nagpositibo sa COVID-19 sa Religious of the Virgin Mary sa Cubao.

Sa mga nagkasakit, 64 ang madre habang ang iba ay mga lay partner, health aide, caregiver at mga driver, ayon sa lokal na pamahalaan.

Sa panayam sa Teleradyo Huwebes, sinabi ni Cruz na nadagdagan pa ng isang COVID-19 patient ang kumbento. Dalawa rito ang ginagamot sa intensive care unit ng isang tertiary hospital.

Sinabi rin ni Cruz na ang mga staff pa lang ng kumbento ang nabakunahan laban sa COVID-19.

"Karamihan sa kanila (mga madre) ay walang mga bakuna. So 'yun po inaalam namin bakit na-miss namin ito at bakit hindi namin sila nabakunahan agad. Apparently, nagpa-reschedule sila ng vaccination date," aniya.

Magsasagawa ng re-testing sa pasilidad para matiyak na hindi mahawa ang mga nag-negatibo sa COVID-19. Titiyakin din ng Quezon City LGU na nasusunod ang mga health protocol sa pasilidad.

"Kasi once mapasukan ng isa, dire-diretso na po 'yan. Lalo 'yung behavior ng Delta variant, napakabilis makahawa," ani Cruz.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, inaatasan na niya ang CESU na i-monitor at gumawa ng inventory ng lahat ng mga pasilidad sa lungsod, tulad ng kumbento, orphanage, nursing home at rehabilitation center, para maagapan sakaling may pumutok ulit na outbreak.

“Hindi pwedeng reactive tayo sa tuwing magkakaroon ng outbreak. Nakikita natin na sunod-sunod na ang mga reported outbreak sa ganitong high-risk facilities, unahan na natin. We will test them and check if they have strict health protocols in place,” aniya.