SUV driver walang habas na nambangga ng mga sasakyan sa Naga City
Jose Carretero, ABS-CBN News
Posted at Sep 15 2023 04:48 PM
Inaresto ang isang driver ng SUV sa walang habas umanong pambabangga sa mga nakaparadang sasakyan sa Naga City nitong Biyernes.
Sa video na ibinahagi ng isang residente sa ABS-CBN News, makikita na binubukasan ng babaeng pulis at ilang residente ang isang SUV na nakabanga sa nakaparadang sasakyan.
Pero imbes na lumabas ang driver, bigla nitong pinaharurot ang sasakyan.
Muntikan pang mabangga ang ilang papalapit na pulis.
Hinabol ng mga rumespondeng pulis. ang humaharurot na sasakyan.
Sa isa pang video na ibinahagi ng Asintado sa Radyo, makikita muli ang SUV na sinasagasaan ang isang tricycle bago sinalpok ang ilang mga nakaparada ring sasakyan.
Hindi na nakaalis pa ang SUV at dito na nahuli ang driver nito.
Ayon kay PMSgt. Tobias Bongon III, tagapagsalita ng Naga police, alas-4 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa bahagi ng Santonja at Elias Angeles Street sa Barangay Santa Cruz.
Una aniyang binangga ng SUV ang isang motorsiklo hanggang tuloy-tuloy nitong inararo ang ilang nakaparadang sasakyan.
Ayon sa pulisya, galing sa bahagi ng Penafrancia Avenue ang SUV.
"May nasagi po ito, may nabangga po itong isang single motorcycle.
nakaladkad niya po a few meters at injured yung driver nito. Pagdating po nito sa kanto mismo sa tapat ng cathedral, pagliko niya po ng kaliwa. meron pa pong naka-park na sasakyan both sides because madaling-araw yun, katatapos lang ng dawn procession," ani Bongon.
Sa spot report ng pulisya, nasa 13 sasakyan ang nabangga ng SUV. .
Ayon sa mga pulis, mabuti na lamang at nasa loob ng simbahan ang mga tao dahil katatapos lang ng dawn procession kaugnay ng pagdiriwang ng Peñafrancia fiesta kaya walang nasagasaan.
"Ipinasailalim na po natin sa medical examination at positive nga po sa alcoholic breath... Wala pa tayong nahahawakan official report from the medical, from the hospital," dagdag pa ni Bongon.
Posibleng puyat din umano ang driver. Wala pa itong binibigay na pahayag pero sa video na nakuha sinabi nito na magbabayad siya.
Ayon sa mga imbestigador, wala namang nasa kritikal na kondisyon sa mga nabangga ng driver. Nakalabas na ang mga ito sa ospital.
Pero pinag-iisipan ngayon ng pulisya ang dagdag na kaso sa driver bukod sa reckless imprudence resulting in multiple damage to property at physical injuries.
"Tinitingnan pa po natin kung ano pa ang pwede pa po nating i-file na kaso, lalo na yung nakita niya na may police, tuloy-tuloy ang pag-drive niya, harurot niya at meron pang resistance," ani Bongon.
May-ari ng maliit na kainan sa Naga City ang driver ng SUV. Wala pang inilalabas na pangalan ng driver ang pulisya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, regions, regional news