PatrolPH

3 banggaan sa QC, Maynila, at Pasig; 2 patay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2021 06:56 AM | Updated as of Sep 13 2021 09:10 PM

Watch more on iWantTFC

Patay ang 2 babaeng pasahero ng isang kotse matapos mabangga ng isang truck sa C5 flyover sa Pasig City Lunes ng madaling-araw.

Ito ang pangatlo sa 3 road crash sa Metro Manila na naitala ng ating mga news team simula kagabi.

Total wreck ang kotse na 4 ang sakay. Pabaybay ito sa northbound ng flyover malapit sa Ortigas interchange nang mabangga bandang alas-2 ng madaling-araw.

Sugatan ang mga lalaking driver at pasahero. Pero naipit at namatay ang 2 babaeng kasama nila.

Kuwento ng driver sa rumispondeng MMDA enforcer, nahagip sila ng truck at tinakbuhan nito.

Patuloy pa itong iniimbestigahan ng Pasig police.

Ginagawan pa ng paraan ng MMDA na maialis ang kotse sa flyover.

Nabutas ang gas tank sa harapan ng isang bus matapos tumama sa concrete barrier sa EDSA Cubao sa Quezon City Linggo ng gabi.

Walang natamong sugat ang nagmamaneho at nag-iisang sakay ng bus na si Reynaldo Paular.

Kuwento niya, papunta siya ng Caloocan para magsundo ng mga babakunahan sa Bulacan nang bumangga siya sa bus barriers sa northbound lane.

Depensa ng driver, umiwas siya sa 2 kotse na ayon sa kanya ay nagkakarerahan kaya tumama sa barrier sa kaliwa.

Kumabig siya pakanan matapos ito at napunta sa bangketa sa kabilang bahagi ng kalsada.

Tumagas din ang langis mula sa gas tank na naglalaman ng 400 litro kaya pinaiwasan sa sasakyan ang isang lane ng EDSA. 

Gumamit ng papel para mabawasan ang langis bago binombahan ng tubig.

Samantala, sugatan ang dalawang motorcycle rider nang magbanggaan malapit sa Luneta sa Maynila bago mag-alas-2 ng madaling-araw.

Nagsalpukan sila sa intersection ng Padre Burgos at Roxas Boulevard. 

Rider at pasahero ng TNVS service ang mga sakay ng motorsiklo na paliko ng Padre Burgos mula Bonifacio Drive.

Call center agent naman ang rider ng motor na galing ng Roxas Boulevard.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang 3 mga sakay. Nahirapang makatayo ang 2 rider na dinala sa magkaibang ospital.

Inaalam pa ng imbestigador ang buong pangyayari. 

Watch more in iWantv or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.