Trapik sa EDSA sumikip dahil sa mga tumumbang poste

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2019 07:42 AM | Updated as of Sep 10 2019 10:42 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

MANILA - Sumikip ang trapik sa EDSA dahil sa 2 tumumbang poste sa north at southbound lane ng Ortigas Flyover sa gitna ng rush hour ngayong Martes ng umaga, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority.

Hindi pa tiyak ng ahensya kung mga poste ng kuryente o linya ng PLDT ang bumagsak at kung anong sanhi ng insidente, pero naitabi na ang mga ito pasado alas-6 ng umaga, ani MMDA Command Center chief Edison Bong Nebrija.

"Nadadaanan na po [ang flyover], pero naipunan na po tayo d'yan [ng sasakyan]," ani Nebrija sa panayam ng DZMM.

Sa southbound lane, nasa isang oras na binaybay ng DZMM Radyo Patrol ang parte ng EDSA mula Kamuning hanggang Santolan, na nasa 7 kilometro lang ang distansya.

Bandang Timog Avenue, napilitan ang ilang pasahero na bumaba na lang ng bus at maglakad dahil sa mabigat na trapik.

Wala nang laman ang ilang bus na naipit sa trapik, dakong alas-10 ng umaga. Kabilang sa mga ito ang minamaneho ni Elmer Nobleza na nasa 1 oras umanong hindi umusad mula sa kanto ng EDSA at Scout Borromeo.

Naipit naman sa trapik sa kalapit na East Avenue and 2 ambulansya.

 

May ulat nina Zhander Cayabyab at Jeck Batallones, ABS-CBN News