5 drug suspek, timbog sa Marikina

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2016 10:13 AM

Watch also in iWantTFC

Limang pinaghihinalaang tulak ng droga ang nahuli sa magkakahiwalay na operasyon sa Marikina nitong Huwebes.

Nahulihan ng 25 gramo ng shabu ang live-in partners na sina John Lennon Gulapao at Danilo De Leon alyas "Danica," ayon kay Senior Superintendent Lorenzo Holanday Jr., officer-in-charge ng Marikina police.

Huli rin ang pinaghihinalaang drug pusher si Edmar Jarquio sa Balubad Settlement.

Matagal na umanong nirereklamo ng mga kapitbahay si Jarquio matapos gawin umanong drug den ang kanyang bahay, sabi ni Holanday.

"Itong bahay, nagiging frat house dito. Nagkakaroon ng pot session. Maliwanag na nagbebenta siya ng droga," pahayag ni Holanday.

Nakuha mula kay Jarquio ang anim na sachet ng hinihinalang shabu, pitong napagbalatang sachet na may residue pa ng shabu at mga drug paraphernalia.

Inamin ni Jarquio na gumagamit siya ngunit itinanggi niya na sa kanya ang mga nakuhang ilegal na droga.

Isasailalim naman sa drug test ang dalawang kaibigan ni Jarquio na nasa bahay nang lusubin ito ng mga pulis.