PatrolPH

Ilang simbahan sa Metro Manila nalito sa pagbago ng quarantine level

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2021 08:50 AM

Watch more on iWantTFC

Ngayong Miyerkoles sana ang unang araw na magbubukas ng misa para sa publiko ang mga simbahan sa Metro Manila matapos ang isang buwan. 

Pero dahil binawi ng pamahalaan ang anunsyo nilang ilalagay ang NCR sa general community quarantine, ipinagbawal muli ang religious gatherings sa Metro Manila. 

Kaarawan pa ngayon ng Birheng Maria kaya maraming simbahan ang naghanda sana para sa muling pagbalik ng mga tao sa loob ng simbahan. 

Sa katunayan, maraming mga parokya ang nag-post na sa social media nitong nakaraang araw na pwede na ulit pumasok sa simbahan sa limitadong kapasidad simula Miyerkules. 

Nalungkot naman ang maraming parokya. 

Sabi ng Paco Church sa Manila, dahil sa pabago-bagong desisyon ng gobyerno, hindi muna matutuloy ang mga pampublikong misa ngayong araw hanggang sa maging maayos ang desisyon ng IATF. 

Pareho din ang mensahe ng Basilica Minore de San Pedro Bautista sa Quezon City, Sta. Cruz Church sa Maynila, Most Holy Redeemer Church sa Masambong. 

Sa mga gustong magsimba ngayong birthday ni Mama Mary, abiso ng mga simbahan na balik ulit sa livestream o online ang lahat ng mga misa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.