P12 minimum fare sa jeep inihirit

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2018 09:56 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nanawagan ang isang transport group ngayong Martes na itaas ang minimum na pamasahe sa jeep sa P12 sa harap ng pagsipa ng presyo ng krudo.

Una nang inanunsyo ng ilang oil companies na magtataas ng P1.20 kada litro ang diesel at P0.95 kada litro ang gasoline simula Setyembre 4.

Matatapyasan ng nasa P200 ang kita ng mga jeepney driver sa nakaambang taas-presyo ng krudo, ani Zenaida Maranan, presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap).

Dahil dito, hindi na aniya sasapat ang kita ng mga driver, na karamihan ay may 3 o 4 na anak.

"Dapat P12 na ho ngayon ang pamasahe," sabi niya sa DZMM.

Una nang inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Hulyo ang provisional jeepney fare hike na P9 mula P8.

Sampung piso na minimum fare ang orihinal na hiniling ng mga transport group sa kanilang petisyon sa LTFRB.

Hinikayat ni Maranan na aksyunan na ng ahensya ang kanilang naunang hirit.

DZMM, 4 Setyembre 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.