PatrolPH

Pagsibat ni Pemberton, ikinatatakot ng kampo ni Laude

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2020 01:20 PM | Updated as of Sep 03 2020 01:21 PM

Watch more on iWantTFC

Pinangangambahan ng pamilya ng Pilipinang transgender na si Jennifer Laude na tuluyan nang makalabas ng kulungan ang Amerikanong sundalo na na-convict sa kaniyang pagpatay. 

Dapat na manatili si US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton sa kulungan habang hindi pa nareresolba ang motion for reconsideration na layong mabaligtad ang utos ng korte kamakailan para makalaya siya dahil sa good conduct time allowance (GCTA), ani Virgie Suarez, abogado ng pamilya Laude. 

“Dapat walang galawan,” aniya sa panayam ng TeleRadyo. “Ang isang pangamba talaga ko at ng pamilya ay baka agad-agad ilabas si Pemberton.” 

Hindi maaaring magamit ni Pemberton ang GCTA dahil hindi naman ito nagpakita ng kinakailangang “exemplary deeds” at partisipasyon sa rehabilitation programs at work activities, ani Suarez. 

Layon din aniya ng GCTA na mapaluwag ang mga kulungan—bagay na hindi mangyayari sakaling mapalaya ang Amerikano dahil nasa solong pasilidad ito sa Camp Aguinaldo. 

Panoorin dito ang buong panayam sa abogado.

TeleRadyo, Setyembre 3, 2020 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.