PatrolPH

Pulis, 3 kasabwat tiklo sa pagnanakaw umano ng kable sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2022 06:55 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Isang pulis at tatlong kasabwat niya ang nahuli sa pagnanakaw umano ng kable ng isang telecom company sa Quezon City.

Una, akala ng isang gwardya sa lugar ay lehitimong mga empleyado ng telecom company ang mga suspek na nagkukumpuni ng linya ng telepono sa bahagi ng CP Garcia sakop ng Brgy. Krus na Ligas.

Kuwento ni Roger Ralla, gamit ang isang trak, nakita niyang hinihila ng grupo ang kable mula sa ilalim ng kalsada at nang tanungin niya, sabi umano ng grupo ay inaayos nila ang linya ng telepono sa lugar.

Akala rin niya mga empleyado ng telecom company ang mga ito dahil nakasuot ng pang-utility ang isa.

Nagulat na lang umano siya ng biglang dumating ang mga pulis mula sa QCPD Station 9 at inaresto ang grupo.

Ang mga pulis na umaresto, ayon sa district director ng QCPD, ay ang mga rumorondang pulis dahil sa ongoing anti-criminality campaign sa siyudad.

Na-timing-an nila ang mga ito at dahil kataka-taka na dis-oras ito ginagawa ng grupo. Sinita nila ang mga ito at nang i-verify na representative ng telecom company, nalaman nilang hindi mga lehitimong empleyado ang mga ito.

Nang isa-isa nang kinuha ang mga detalye ng mga suspek, nalaman na pulis ang isa sa mga suspek. Kasama rin ang isang criminology student.

Nakumpiska sa kanila ang nasa 115 copper cables na nagkakahalaga ng P471,940, baril at bala at van na ginamit sa pang karga ng mga kable.

Nadismaya ang pamunuan ng QCPD sa pagkakasangkot ng pulis, na ayon sa kanila, malinaw na protektor ng mga magnanakaw.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang mga suspek.

Ayon sa QCPD, bine-verify pa nila ang unit na kinabibilangan ng suspek, na nakadestino sa Eastern Police District. Apat na taon na umano siya sa serbisyo.

Sasailalim umano siya sa administrative at criminal investigation.—Ulat ni Jeff Caparas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.