PatrolPH

Paggamit ng health pass ng mga papasok ng Pinas aarangkada sa Sept. 1

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2021 01:25 PM | Updated as of Aug 31 2021 08:59 PM

Watch more on iWantTFC
Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Simula Miyerkoles, Setyembre 1, ay sisimulan na ang paggamit ng "one health pass" para sa mabilis na koordinasyon sa mga papasok ng Pilipinas mula sa ibang bansa. 

Kino-coordinate din ang mga makukuhang impormasyon sa pupuntahang lokal na pamahalaan ng mga pasahero pagkauwi ng bansa. 

Pormal na ipapatupad ang plataporma sa Setyembre 1 matapos ang dalawang linggong testing. 

Pero paano nga ba ito gamitin? 

Una, dapat magrehistro sa www.onehealthpass.com.ph tatlong araw bago ang biyahe at i-click ang register button. 

Kung hindi OFW ay dapat magpa-book sa DOT-accredited na quarantine hotel na nakalista sa website ng 7 o 10 araw. Bayad naman ng OWWA ang hotel ng mga OFW. 

Dapat sagutan ang electronic health declaration checklist kung saan makatatanggap ng QR code ang pasahero, isang araw o sa mismong araw ng pag-alis. 

Pagdating sa airport, ipaklita ang QR code sa Bureau of Quarantine. Ipapakita rin ang QR code sa OWWA para sa mga OFW, sa MARINA para sa seafarers, at sa DOT para sa non-OFWs. 

Pagdating naman sa quarantine facility ay dapat ipakita ang QR code sa hotel kung magche-check in at kung magpapa-swab test. 

Nakaka-dalawang linggo pa lang ang trial para sa platapormang ito pero sinasabing mas maayos na ang daloy ng pagpasok ng mga pasahero mula sa ibang bansa. 

Ayon kay Bureau of Quarantine Deputy Director Dr. Roberto Salvador, Jr., ilan sa nakikita niyang hamon ang kawalan ng internet connection. Hiling niya ng koordinasyon na makatulong ang mga airline sa paggamit nito. 

Pakiusap niya, punan ng mga papauwi ng Pilipinas ang health pass form. 

"Nakikiusap po kami sa lahat po ng kababayan natin na uuwi ng Pilipinas, siguraduhin po na mag-fill up po tayo, pumunta tayo sa OneHealthPass para po hindi po kayo mahirapan sa proseso," aniya. 

-- May ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.