40-day suspension ipinataw sa pulis na bumaril sa binatilyong may autism

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2021 11:55 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA – Hindi sapat ang parusang ipinataw sa pulis na nakabaril sa isang 18-anyos na may kapansanan sa pag-iisip sa isang operasyon kontra-tupada nitong Mayo, ayon sa kanyang ina.

Nitong Linggo, inirekomenda ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapataw ng parusang 40 araw ng suspensyon kay Police Senior Master Sergeant Christopher Salcedo, isa sa apat na pulis na sangkot sa pagbaril kay Erwin Arnigo na may autism spectrum disorder.

Sa ulat ng pulis, nakipag-agawan umano ng baril ang biktima sa mga pulis, pero iba ang kuwento ng pamilya Arnigo.

Ayon kay IAS Inspector General Alfegar Triambulo, 60 araw suspension dapat ang parusa kay Salcedo, pero ibinaba nila ito sa 40 araw dahil sa mga parangal na natanggap nito sa serbisyo.

“Hindi po ako papayag na ganoon ganoon lang po mangyayari doon sa anak ko. Ganoon lang po kagaan yung kasi na iaano sa kanya. Hindi po dapat ganoon kasi special child po yung anak ko eh,” ani Helen Arnigo na ina ni Edwin. 

Hindi rin tanggap ni Helen ang pahayag ng IAS na ang pagkakamali lang ni Salcedo ay hindi ito naging mag-ingat sa paghawak ng kanyang baril habang sinusubukang arestuhin ang biktima.

“Hindi po katwiran yung sinasabi nilang ganoon kasi bago po maging pulis, alam na alam po nilang dapat paanong hindi pumutok yung baril sa isang tao na naka-sibilyan,” aniya.

“Tsaka wala po siyang karapatang gumamit ng baril kasi bakit ganoon, sa isang sibilyan eh maiputok noon. Sa isang special child pa, anong kalaban laban ng anak ko, sobrang payat noon?”

Kuwento ni Helen, patuloy ang pagdadalamhati nilang mag-iina sa pagkamatay ni Arnigo.

“Pag hatinggabi bigla na lang [silang] gumigising dahil naaalala yung kapatid nila. Ako minsan ala-una, alas-dos gising na ako nang madaling araw.”

“Dahil iniisip ko nga, na hindi ako makatulog nang maayos tsaka yung mga kapatid niya, dahil hanggat hindi pa nakulong yung pulis na yun, anong malay namin baka bigla na lang kaming pagbabarilin dito dahil nakalabas naman talaga yun,” aniya.

Nanawagan si Helen kay PNP chief Guillermo Eleazar ng sapat na parusa para sa nakapatay sa kanyang anak.

"Sir Eleazar, tulungan niyo naman po kami. Hindi po karapat-dapat ganoon mangyari sa anak ko. Gusto ko pong maparusahan yung pumatay po sa anak ko. Sir, nangako naman po kayo. Tulungan niyo kami."

--DZMM, 31 August 2021