Mga pribadong ospital, handa na sa pagdami ng mga kaso ng dengue

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2022 03:24 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Handa na ang mga pribadong ospital sa bansa kung sakaling dumami ang mga kaso ng dengue, ayon sa pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI).

Pero sabi ni Dr. Jose Rene De Grano, problemado ang marami sa kanilang grupo sa kakulangan ng mga nars at iba pang healthcare personnel.

“Nakahanda naman po ang mga ospital po. Ang lagi ko pong sinasabi, ang limitasyon lang po namin ay siyempre, number of our nurses ano, yung ating mga healthcare workers na talaga pong nababawasan at nababawasan po.”

Kuwento pa ng doktor, hindi pa natatanggap ng ilang mga nars ang kanilang mga benepisyo gaya ng One COVID-19 Allowance o OCA.

“Kasi yung katulad po ng OCA, ang sinsabi nila ay, hanggang ngayon, dito po sa Batangas, halos kalahati ng mga private hospitals hindi po nabigyan ng OCA.”

Una nang sinabi ng Department of Health na handa na ang mga ospital sa bansa para sa mga waterborne diseases gaya ng trangkaso, dengue, at leptospirosis.

--TeleRadyo, 30 Agosto 2022