4 na suspek sa 'pasalo' modus, natunton ng mga biktima

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2017 05:28 AM | Updated as of Aug 31 2017 10:38 PM

Watch also in iWantTFC

Natunton ng mga biktima ang kinaroroonan ng apat na suspek na sangkot sa ‘pasalo scheme’ o uri ng modus operandi sa mga nagka-car loan.

Nahanap ng mga biktima ng ang mga suspek sa isang condominium sa Mandaluyong base na rin sa tip ng ilang concerned citizen na nakakakilala sa kanila.

Doon, hinuli ang mga suspek na kinilalang sina Joemark Norico, kapatid niyang si Jessie, girlfriend na si Charlene Navalta, at kaibigang Ezekiel Cornejo.

Humingi ang mga biktima ng tulong sa mga pulis na nagsilbing back-up para mahuli ang mga sangkot.

Target ng pasalo-modus ang mga gustong magbenta ng sasakyan pero hindi pa kumpleto ang bayad sa bangko.

Ayon sa mga nag-reklamo, ibinigay sa kanila ng suspek na si Norico ang downpayment ng sasakyan at nangakong babayaran ang balance sa monthly amortization sa loob lang ng 30 araw.

Pero hindi umano natupad ang kasunduan, at ang mga nagbenta ng sasakyan pa rin ang tinatawagan ng bangko para bayaran ang buwanang hulog ng sasakyan.

Samantala, naibenta na umano ni Norico ang ilan sa mga sasakyang kinuha niya.

Depensa ni Norico, ahente lamang siya ng isang nagpakilalang abugado. Ibig sabihin, ang trabaho lang niya ay maghanap ng mga gustong magbenta ng sasakyan at itine-turn over niya ito sa kanya.

Pero ayon kay Atty. Ariel Inton, abugado ng ilang biktima, gumagamit lang ng pangalan ng abugado ang mga suspek para umano makapanloko.

Kakasuhan si Norico at ang kanyang mga kasamahan ng carnapping at large scale estafa. – Umagang kay Ganda, 31 August 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.