HULI SA CCTV: Mga menor de edad naghamunan ng riot sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 08:24 AM | Updated as of Aug 29 2017 09:01 AM

Watch also in iWantTFC

Nahagip sa CCTV camera ang hamunan ng riot ng nasa 25 menor de edad sa Maynila, Martes ng madaling-araw.

Makikita ang grupo sa gitna ng kalsada na may mga dalang tubo. Ayon sa mga opisyal ng barangay, armado rin ang mga ito ng sumpak, baril at bato.

Nasa edad 10 hanggang 19 ang kabataang tila nakipagpatintero sa isa't isa. Nagtakbuhan ang mga ito kalaunan kaya hindi natuloy ang riot.

Nadiskubre ng mga awtoridad na pagseselos ang ugat ng awayan.

"Yung mga kamiyembro na babae pag nagpunta sa kabila tapos nalalaman ng kabilang grupo," sabi ng kagawad na si Rey Dulay.

Tatlong beses na umanong nagkagulo ang 2 grupo ngayong linggo.

Dagdag ni Dulay, "Noong minsan sinita sila ng tanod pinauwi, pinagbabato kami ng bato."

Nagsisilabasan lang aniya ang mga kabataan kapag wala na ang mga rumorondang pulis kaya umaasa ang mga opisyal ng barangay na magkaroon ng police outpost sa lugar.

Umagang Kay Ganda, 29 Agosto 2017