SAPUL SA CCTV: Cellphone ng pasahero ng jeep, nasikwat sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 10:59 PM

Watch also in iWantTFC

Nakuhanan ng CCTV ang paninikwat ng cellphone ng isang binatilyong snatcher sa Dimasalang sa Sampaloc, Maynila nitong Agosto 22.

Bumaba mula sa tricycle ang binatilyo at lumapit sa pampasaherong jeep na nagpapakarga sa isang gasolinahan. 

Inikutan ng bata ang jeep sabay hinablot ang cellphone ng isang pasahero. 

Tumakbo ang bata papunta sa direksiyon ng tricycle.

Sa sumunod na kuha ng CCTV, kitang nakasabit na ang batang snatcher sa tricycle na hinahabol naman ng may-ari ng cellphone.

Naaresto ang binatilyong nakilalang si alyas 'Pulong', 14 anyos, pero nakatakas ang kaniyang mga kasamahang 'batang hamog'. 

Dinala na sa Manila Social Welfare Department si Pulong na ilang beses na palang nakunan sa CCTV na nagnanakaw ng cellphone sa mga pasahero ng jeep at tumatakas sakay ng get-away vehicle na tricycle. 

Patuloy na hinahanap ng barangay at mga pulis ang kaniyang mga kasabwat.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.