PatrolPH

Rosario Maclang Bautista Hospital sa QC nagdeklara na ng full capacity

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2021 09:14 AM | Updated as of Aug 26 2021 02:37 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Sa kabila ng ipinapatupad na lockdown sa Metro Manila, maraming mga ospital ang nagdedeklara na ng full capacity bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Una nang nagdeklara ng full capacity ang Quezon City General Hospital habang sumipa na sa 135 porsiyento ang occupancy rate ng COVID-19 ward ng Novaliches Hospital.

Sumunod na nagdeklara ng full capacity ang Rosario Maclang Bautista General Hospital.

Kasalukuyang merong 62 confirmed COVID-19 patients ang ospital, ayon sa inilabas nilang bulletin. Punuan na rin maging sa mga wards nila para sa mga COVID-19 persons under investigation (PUIs). 

Sa abiso na inilabas ng ospital sa kanilang official Facebook page, hindi lang ang COVID-19 ward ang puno ngayon, maging ang kanilang mga pop-up tents sa paligid ng ospital ay puno na at ang kanilang emergency areas.

Gayunpaman, tumatanggap pa rin sila ng mga outpatient sa emergency area. Pero kung kinakailangang ma-confine o ma-admit sa ospital ay inaabisuhan nila na humanap ng alternatibong mapupuntahang ospital o pagamutan sa ngayon.

Maging ang 12 HOPE Facilities ng Quezon City ay nasa 75.53 porsiyento na ang occupancy rate. Dito karaniwan dinadala ang mga pasyente na may mild symptoms.

Sumatotal ay nasa 9,400 active cases meron sa lungsod matapos ito madagdagan ng 157 active cases kahapon.

Patuloy naman ang pagbabakuna sa lungsod kung saan nasa mahigit 2.2 milyon na ang nabakunahan.—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Rosario Maclang Bautista General Hospital in Quezon City declares full capacity on August 26, 2021, as COVID-19 cases continue to rise. Mark Demayo, ABS-CBN News
Rosario Maclang Bautista General Hospital in Quezon City declares full capacity on August 26, 2021, as COVID-19 cases continue to rise. Mark Demayo, ABS-CBN News
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.