PatrolPH

Hard lockdown ipinatutupad sa Sitio Dos, Barangay San Jose sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2021 09:22 AM | Updated as of Aug 25 2021 12:23 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Bantay-sarado ng mga pulis ang entry point ng Sitio 2 sa Barangay San Jose sa Mandaluyong CIty na nakasailalim sa granular lockdown.

Inilagay sa lockdown ang lugar noong Agosto 20 pero simula ngayong Miyerkoles hanggang Setyembre 2 ay maghihigpit sila ng protocols.

Ayon kay Barangay Kagawan Joan Batan, hindi na rin pwedeng lumabas mula alas-8 ng umaga kahit mga authorized person outside of residence o APOR. Kahit may mga trabaho ay dapat mag home quarantine muna. 

Sinabi ni Mayor Menchie Abalos na may clustering ng kaso ng COVID-19 sa naturang lugar kaya tanging emergency cases lang ang papayagang lumabas.

Pami-pamilya ang nagpopositibo sa lugar kaya kailangang ipatupad ang hard lockdown.

Dagdag pa ng alkalde na mildly symptomatic ang mga nagpositibo sa virus pero nagsagawa na ng mass testing mula nang ipatupad ang granular lockdown.

Sa loob ng tatlong araw halos dumoble ang bilang ng active cases sa naturang barangay. Sa datos ng Mandaluyong CIty Health Office, may 32 active cases pang binabantayan sa barangay. 

Bago mag-alas 8 ng umaga ng Miyerkoles, may isang residente ang lumikas pa dahil kailangang pumasok ng trabaho. Bitbit ang ilang gamit, makikituloy muna sa labas ng barangay para hindi ma-lockdown at maapektuhan ang kabuhayan.

- TeleRadyo 25 Agosto 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.