Plastic barrier sa PUV walang silbi kung walang physical distancing: doktor

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2021 01:29 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA – Walang silbi ang mga plastic barrier sa mga pampublikong sasakyan kung hindi naman susundin ang physical distancing, ayon sa isang doktor.

Ayon sa pangulo ng Philippine College of Physicians na si Dr. Maricar Limpin, maaaring pagsimulan pa ng pagkakahawa-hawa ang mga barrier na ito.

“Matagal na naming sinasabi ‘yan. Alisin na ho natin ‘yan kasi yung virus kung dumikit pa nga ho dun sa plastic, tapos mahawakan ho natin, tapos mailagay ho natin sa ilong e ‘di parang mabilisan din ho nating nalanghap yung virus at pwede ho tayong magkaroon kaagad nung infection,” paliwanag niya.

“’Yan nga yung palagi naming sinasabi maski noon pa, na yung mga nakikita nating ginagawa sa mga pampublikong sasakyan, yung punuan na na wala namang distansya na, hindi ho natin gusto yan kaya…tingnan ho ninyo, mabilis na nag-surge uli tayo,” dagdag pa niya.

Payo ni Limpin, mas maigi kung tatanggalin ang mga plastic barrier at ipapatupad ang physical distancing sa mga sasakyan, kasabay na rin ng pagbubukas ng bintana para sa mas maayos na sirkulasyon ng hangin.

Hindi na rin dapat sumakay ang isang pasahero kung nakita na niyang punuan na ang isang sasakyan.

Pero higit dito, nanawagan si Limpin sa gobyerno na ayusin ang sistema ng transportasyon sa Pilipinas.

“Mag-contract servicing ho tayo, yung transport service kasi talagang ang mangyayari ho doon sa mga tao is sa kagustuhan niyang makarating doon sa kanyang pupuntahan, lalong -lalo na kung sa trabaho ano, talagang kapit-tuko ho yan. Talagang gagawin nila kahit magkaroon sila ng COVID-19 basta makapunta lang ho sila sa trabaho nila,” aniya.

“Kailangan po ang gobyerno ang gumawa ng paraan. Kasi hindi lang po nating pwedeng payagan ang mga tao na wala ho silang choice eh,” dagdag pa niya.