PatrolPH

Baka ninakaw at isinakay sa van sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2021 10:28 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Arestado ang 3 lalaki matapos silang mahuli sa aktong pagnanakaw ng isang baka sa bayan ng Don Salvador Benedicto sa Negros Occidental.

Rumuronda ang mga pulis madaling-araw ng Agosto 19 at napansin ang isang van sa gilid ng kalsada sa Purok Maisan, Barangay Bunga. 

Nakaandar ang makina ng van pero wala namang mga gusali o establisimyento sa lugar. Nilapitan ito ng mga pulis at nahuli sa akto ang 3 lalaki na pilit ipinapasok ang isang baka sa loob ng van na dahilan sa kanilang pagkakaaresto.

Napag-alaman na inarkila lang ang van at tinanggal ng mga suspek ang ilang upuan nito para magkasya ang baka. 

Nakuha rin sa mga suspek ang isang baril at 3,000 pesos na halaga ng hinihinalang shabu.

Napag-alaman na marami na umanong mga kaso ng nakawan ng baka sa Don Salvador Benedicto at sa mga karatig bayan. 

Inaalam na ng pulis kung ang mga nahuling suspek rin ba ang sangkot sa serye ng "cow-napping". 

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-Cattle Rustling Law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.