'IRM kailangan ng health sector', ayon sa opisyal ng PhilHealth
ABS-CBN News
Posted at Aug 21 2020 03:51 PM
MAYNILA - Nanindigan ang isang opisyal ng Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) sa pangangailangan ng interim reimbursement mechanism (IRM) ngayong panahon ng pandemya.
Ito'y sa harap ng pagkakasangkot ng IRM, isang sistema kung saan naglalabas ng agarang pondo ang PhilHealth para sa mga ospital sa gitna ng kalamidad, sa mga alegasyon ng korapsyon sa ahensya.
“Ang official na paninindigan ng PhilHealth, sa aking pagkakaintindi, ay 'yung IRM ay kailangan ng ating health sector sa panahon ng pandemya at tayo po ay sumunod po lamang sa kautusan o intent ng ating board of directors,” pahayag ni Joel del Rosario, vice president for legal affairs ng PhilHealth.
Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo nitong Biyernes, nilinaw ni Del Rosario na hindi siya makapagsasalita sa kung ano ang magiging tayo ng PhilHealth sa mga usaping kinakaharap nito matapos siyang maisama sa mga opisyal na pinatawan ng Office of the Ombudsman ng 6-buwang preventive suspension sa gitna ng imbestigasyon.
“Ang atin pong IRM, ito naman po ay ni-ratify ng ating PhilHealth board of directors at kung mapapansin po ninyo 'yung P27 billion na kanila pong inilaan para dito ay katumbas ng isang quarterly payment ng benefit claims,” sabi niya.
Malaki rin ang kumpiyansa niya sa magiging suporta ng mga kasapi ng PhilHealth board hinggil sa nasabing usapin.
“I’m sure 'yung ating board ay maninindigan din tungkol po dito sa pangangailangan ng IRM,” sabi niya.
Sinabi ni Surigao Rep. Ace Barbers na dapat managot din ang PhilHealth sa kasong malversation sa kabiguang magpataw ng 2 percent withholding tax sa naturang pondo o katumbas ng P156 milyon na dapat na-iremit sa national treasury.
“Ang pagkaintindi ko diyan 'yung mga nakaraang IRM, hindi naman po binawas 'yung witholding tax. Ang ginawa nila dito ay during liquidation doon chinarge 'yung facilities dito sa buwis. Itong huling IRM, dahil na rin sa advice ng isang tax consultant ng PhilHealth na dapat ay ibawas, dapat bayaran withholding tax, ito po ay nabayaran. Sa aking pagkakaalam, itong P156 million na dapat ibawas ay nai-remit po ito sa BIR (Bureau of Internal Revenue),” paliwanag niya.
Sinagot din ni Del Rosario ang hinggil sa usapin ng case rate ng PhilHealth- ang katumbas na insurance coverage sa mga sakit- na umano’y mas malaki kaysa sa medical cost ng actual cases.
Giit niya na ang case rate ay matagal nang ipinatutupad ng PhilHealth at naaayon din naman sa international practice at nakalagay din sa batas na isa sa provider payment mechanisms na maaring ipatupad.
“Ang problema po rito, ang case rate natin pare-pareho ang amount sa lahat ng level ng facility. Ang aking pagkakaintindi po riyan, ang intention ng ating PhilHealth board ay i-encourage ang ating mga kababayan to avail of the services of lower level hospitals para ‘di nagkakaroon ng overcrowding din sa mga level 3 hospitals. This is also designed to affect the behavior of our people in availing of health services,” sabi niya. “Kami po ay naniniwala na 'yung ating polisiya ay naaayon para sa interes ng ating mga kababayan.”
Patungkol naman sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa loob ng PhilHealth, iginiit ni Del Rosario na nagsagawa sila ng pagiimbestiga at nakapagsampa rin sila ng mga kaso sa ilang mga opisyal.
“We have conducted internal investigation sa mga reklamo po against corruption dito sa PhilHealth. In fact, we have filed complaints against our own officials, we have investigated them and the board has decided, in some cases, to suspend some of our officials, at ito nga sa dami ng mga officials na nakasuhan po natin—nakasuhan ng PhilHealth board, nakasuhan ng PhilHealth—ito po 'yung inirereklamo sa Ombudsman na oppression.”
“Ito 'yung dahilan we are under preventive suspension. The board pursued cases, now we are under preventive suspension for pursuing these cases,” saad niya.
Masakit aniya ang pangyayaring maging kabilang sa mga napatawan ng preventive suspension.
“This is really quite devastating at 'yung mga paratang sa atin na tayo daw ay mafia. Napakalaki ng problemang kinakaharap natin— 'yung financial obligations natin, 'yung mga loans— hindi ko malaman, magulo po 'yung aking isip ngayong tayo ay humaharap sa mga kaso at wala po tayong suweldo for the next 6 months,” ani Del Rosario.
- ABS-CBN Teleradyo 21 Agosto 2020
Joel Del Rosario, PhilHealth mess, PhilHealth corruption allegations, IRM, COVID-19 pandemic fund, PhilHealth, Teleradyo