Mobile vaccination ng Muntinlupa City, umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2021 09:36 AM | Updated as of Aug 20 2021 09:48 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Umarangkada na ang mobile vaccination ng Muntinlupa City para mailapit pa ang bakunahan sa mga residente sa lungsod.

Gamit nila ang Mobile Learning Hub ng Muntinlupa City Disaster Risk Reduction and Management Office na na-convert muna bilang vaccination hub.

Ayon sa MDRRMO, makatutulong ang mobile learning hub lalo’t may mga bakunang sensitibo sa mainit na temperatura.

Nag-iikot ito sa mga komunidad para mas marami pang residente ang mabakunahan lalo na para sa mga hindi makalabas ng kanilang barangay dahil enhanced community quarantine.

Tulad sa ibang vaccination sites, kukunin muna ang vital signs at pagkatapos, diretso na ang mga magpapabakuna sa loob ng bus kung saan gagawin ang pagbabakuna.

Inaasahang iikot ang mobile vaccination hub sa ilang mga lugar sa Muntinlupa kabilang ang Tunasan Health Center, Tunasan National High School, Victoria Health Center, SM Center Muntinlupa, Muntinlupa National High School, Biazon Covered Court, Ayala Malls, Southpark, Putatan, at Bayanan Elementary School.

Iaanunsyo ng LGU ang schedule ng pag-ikot ng mobile learning hub sa iba’t ibang barangay.

Sa huling tala ng Muntinlupa City LGU, 248,379 nang nabakunahan sa lungsod at inaasahang bibilis pa ang bakunahan sa lungsod dahil sa mobile vaccination hub.

TeleRadyo 20 Agosto 2021