PatrolPH

Higit P400k halaga ng hinihinalang shabu nasabat sa Marikina, Pasig; 2 tiklo

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2021 08:44 AM

Watch more on iWantTFC

Dalawang anti-illegal drugs operation ang ikinasa sa Marikina at Pasig City na nagresulta sa pagkakahuli ng 6 na drug suspect. 

Sa mga operasyong ito, higit P400,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha.

Sa Marikina, nangyari ang buy-bust sa Barangay Tumana kung saan nagbenta ang isang lalaki, 27, ng P500 halaga ng hinihinalang shabu.

Nang kapkapan ang mga kasama niya, nasa P238,000 na halaga ng hinihinalang shabu ang kabuuang nakuha. 

Apat ang walang trabaho, habang tricycle driver naman ang isa. 

Kumpiskado rin ang ilang drug paraphernalia na, ayon sa mga pulis, ay ginagamit sa pagtatarya ng droga.

Sa Pasig City, arestado si alyas Junjun, 55, matapos kumagat sa buy-bust operation ng Eastern Police District.

Nakipagkita siya sa Pleasant Village sa Barangay Manggahan kung saan siya umano nagbenta ng P30,500 halaga ng hinihinalang shabu.

Karagdagang 26 grams pa ang nasamsam sa kanya na abot sa P176,800 ang halaga.

Haharapin naman ng anim na inaresto ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.