Ilang grupo, mga senador, nanawagan ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Kian

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2017 05:07 PM

Watch also in iWantTFC

Lalong umigting ang panawagan para sa hustisya sa pagkamatay ni Kian Loyd Delos Santos.

Sa paligid ng bahay kung saan nakalibing ang 17 anyos na nasawi sa operasyon ng pulis-Caloocan nitong Agosto 16, nakapaskil ang mga polyetos at ilang tarpaulin na may nakalagay na "Justice for Kian."

Kabilang sa mga humihingi ng katarungan para sa nangyari sa binatilyo ang grupong Rise Up for Life and Rights.

Kinondena rin ni Sen. Cynthia Villar ang nangyari kay Kian.

Sa isang panayam sa senadorang dumalo sa pagtitipon ng University of the Philippines Alumni Association, sinabi ni Villar na maghahain siya ng resolusyon para imbestigahan ng Senado ang pagkamatay ni Kian.

Wala aniyang saysay ang pamamaslang sa binatilyo, lalo't nakuhanan ng CCTV at may testigong nagsabing hindi siya nanlaban sa mga pulis.

Una nang inatasan ng Department of Justice ang National Bureau of Investigation na siyasatin ang pagkasawi ni Kian.

Bago si Villar, nanawagan na rin ang ilan pang senador na imbestigahan ang insidente.

Sa isang panayam naman, sinabi ni Philippine National Police Chief Director General Ronald dela Rosa na "drug courier" si Kian para sa kaniyang ama at mga tiyuhin.

"Si Kian ay ginagamit ng kaniyang ama. Ang ama niya mismo ang user, mga uncle ang mga pusher diyan at ginagamit si Kian na courier. Kaya nag-surface ang pangalan niya sa area mismo," sabi ni dela Rosas sa panayam sa telepono ng ABS-CBN News. 

-- Ulat nina Zhander Cayabyab at Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.