PatrolPH

Higit 20 nasita sa mga bar sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2022 06:20 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Higit 20 nasita sa paglilibot ng mga awtoridad sa mga bar sa Quezon City.

Sangguniang Panglunsod Ordinance Number 2957 at 1515 o ang ordinansa sa pagbabawal ng paninigarilyo sa mga hindi designated smoking area at hindi pagsusuot ng face mask ang nilabag umano ng mga kabataan na nahuli sa Oplan Sita ng mga awtoridad sa Scout area.

Labing siyam ang nahuli na walang face mask at dalawa naman ang natiketan dahil sa paninigarilyo sa sidewalk.

Paliwanag ng mga awtoridad, ginagawa nila ito upang maiwasan ang pagtaas ng mga kaso ng tinatamaan ng COVID sa lungsod.

Hindi umano sila nagkulang sa paalala dahil nitong mga nakaraang linggo lang nag-ikot na rin sila upang magpaalala sa mga ordinansa.

At sa pagbalik nito, marami pa rin ang sumuway kaya binigyan na sila ng ticket.

Sinabay na rin sa operasyon ang pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa mga bar, dahil marami na rin anilang ulat sa kanila na madalas na magkaroon ng nakawan at gulo sa mga bar sa Scout area.

May limang working day para bayaran ang ticket – P300 sa hindi pagsusuot ng face mask at P500 sa paninigarilyo sa pampublikong lugar.

Kapag hindi binayaran ito, ipa-file ito sa korte sa city hall at ipapatawag ang mga nasita. Magrereflect umano ito sa pagkuha ng NBI at police clearance.—Ulat ni Jeff Caparas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.